CELEBRATING SERVICE, EXCELLENCE, AND MILESTONES
PASASALAMAT SA MGA LINGKOD NA NAGTATAGUYOD
NG DEKALIDAD NA SERBISYO NG CMSH
BOD ng CMSH, patuloy sa pagkilala at pagpapahalaga sa serbisyo ng mga empleyado
Bilang pagpapakita ng pasasalamat at pagkilala sa sipag ng mga empleyado, sinimulan ng mga Board of Directors (BOD) ng Cauayan Medical Specialists Hospital (CMSH) ang pamimigay ng Productivity Bonus ngayong Oktubre 9, 2025.
Ang bonus ay ipinagkaloob sa anyo ng 25-kilo ng Double Diamond rice para sa bawat empleyado bilang pasasalamat sa kanilang patuloy na pagseserbisyo at pagtutok sa dekalidad na pangangalaga sa mga pasyente.
Masaya at malugod na tinanggap ng mga empleyado ang biyaya mula sa pamunuan. Nagpaabot sila ng taos-pusong pasasalamat sa mga BOD at nangakong lalo pa nilang pagbubutihin ang kanilang trabaho, ang pag-aalaga sa mga pasyente, at ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa lahat ng nangangailangan.
Ito ay unang batch pa lamang ng pamimigay, at magpapatuloy pa ang distribusyon sa mga susunod na araw.
Ang hakbanging ito ay patunay ng pagpapahalaga ng mga BOD ng CMSH sa dedikasyon at sakripisyo ng kanilang mga lingkod.
WORLD PHARMACISTS DAY 2025
CMSH, ipinagdiwang ang World Pharmacists Day
Ipinagdiwang ng Cauayan Medical Specialists Hospital (CMSH) ngayong Huwebes, Setyembre 25, 2025, ang World Pharmacists Day na may temang “Think Health, Think Pharmacist.”
Bilang bahagi ng selebrasyon, namahagi ang CMSH ng libreng paracetamol sa mga pasyente at bisita upang paalala ang kahalagahan ng tamang paggamit ng gamot sa kalusugan. Bukod dito, nagpasaya rin ang ospital sa pamamagitan ng pamimigay ng libreng ice cream, na agad na ikinatuwa ng mga dumalo.
Layunin ng naturang aktibidad na kilalanin ang mga pharmacist bilang katuwang ng mga doktor at iba pang health professionals sa pagbibigay ng ligtas, epektibo, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa pamunuan ng CMSH, ang World Pharmacist Day ay paalala na mahalaga ang bawat pharmacist hindi lamang sa pagbabasa ng reseta kundi pati sa paggabay sa tamang paggamit ng gamot upang mapangalagaan ang kalusugan ng komunidad.